Isinulat ni Nathaniel Sisma Villaluna, Kuha ni Albert Ian R P
HALOS 700 PINOY SA BARCELONA NABIKTIMA NG SCAM
“Handa na ang lahat! Excited na sa nalalapit na kasal. Pero bigla na lang sasabihing hindi pala valid ang tickets na binili namin!”
Ito ang galit na pahayag ni Sheila Hidalgo sa kadahilanang labing siyam na KLM plane tickets na nagkakahalaga ng humigit kumulang 17,000 euros ang nabili ng kanyang pamilya para sana sa pag-uwi ng Pilipinas at doon magpakasal ang kanyang hipag.
Noong Hulyo 20, 2012, Biyernes, pumutok ang balitang may iilang pasaherong Pilipino ang hindi pinalipad dahil sa hindi valid ang kanilang KLM E-tickets. Hindi tinanggap sa airport ang mga nasabing tickets sanhi ng hindi pa umano nababayaran ang mga ito. Mabilis na kumalat ang balita sa buong komunidad ng mga Pilipino sa Barcelona at dahil dito unti-unting nakumpirma na maraming tickets pala ang hindi valid. Maraming nagalit, nalungkot at naperwisyo.
Agad-agad tumawag si Shiela sa opisina ng KLM para kumpirmahin ang balita.
“Sabi ng KLM, labas sila sa pangyayaring ito. Dapat daw doon kami pumunta sa travel agency kung saan kami bumili ng ticket. Yung iba walang reservation number. Sabi daw hindi pa bayad ang mga ticket na hawak namin.”
Ayon naman sa ulat na lumabas sa abs-cbnnews.com, pinag-aaralan na ng KLM ang mga hakbanging nararapat isagawa.
Matatandaan noong mga nakaraang buwan ay merong lumabas na oferta ang iba’t ibang travel agencies na Pilipino at 680 euros lang (balikan) ang pamasahe pauwi sa Pilipinas at ito ay galing sa KLM. Dahil nga sa krisis at sa mura ng promo, marami ang nakumbinsing bumili.
Nabayaran na ng mga pasahero ang kanilang mga ticket sa travel agencies kung saan nila ito binili. Ayon naman sa mga travel agencies, naremit na nila ang pera sa KLM ticket distributor na si Victor Ordoñez Jimenez. Ang hindi pagremit ng distributor sa KLM ng nasabing bayad ng mga travel agencies ay ang naging sanhi ng problemang ito. Tinatayang 700 Pilipino ang nabiktima.
Iisa lang umano ang pinanggalingan ng nasabing pekeng KLM tickets at ito ay ang nabanggit na ticket distributor.
Inis, galit at lungkot, nais ng mga pasahero na maibalik ng mga ahensiya ang kanilang pera. Pilit namang hinahabol ng mga ahensiya ang nairemit na pera kay Victor.
“Ang hirap hirap na ngang kumita ng pera tapos ito pa ang nangyari. Sana man lang maibalik ang pera namin. Okay na kung hindi na makakauwi muna. Ipon ko yun eh. Pinaghirapan namin yun,” malungkot na sinabi ng isa sa mga biktima.
Nakapanayam ng Ang Bagong Filipino ang may-ari ng TravelJess na si Jessica Lozano Addatu at ang nanay nitong si Rosel Addatu, isa sa mga travel agencies na nanguha ng KLM tickets kay Victor.
“Kami mismo ay nagulat sa mga pangyayari. Nakikiusap kami ng konting konsiderasyon dahil kami rin ay biktima dito. Matagal na kami sa negosyong ito, ngayon lang nangyari sa amin ang ganito. Nagtiwala kami sa kanya. Sana harapin ni Victor ang kanyang mga biktima.”
Ito ang pahayag ni Rosel. Sa aming panayam sa kanya ipinakita niya ang copy of receipt galing kay Victor na nagpapatunay na natanggap nito ang bayad sa mga tickets na binili sa kanyang ahensya.
Sinikap naming kuhanan ng panig ni Victor Ordoñez Jimenez pero hindi pa kami nakatanggap ng sagot galing sa kanya.
Noong Hulyo 22, 2012, Linggo, agad na nakipag-ugnayan ang mga biktima kay Fr. Avelino Sapida ng Filipino Personal Parish at sa Konsulado ng Pilipinas sa Barcelona. Sa pamamagitan ni Consul Arman Talbo, nagbuo ang mga apektadong pasahero ng isang grupo upang makagawa na ng nararapat na hakbang at mabigyan ng hustisya ang ating mga kababayan. Tinawag na Task Force KLM Barcelona ang nasabing grupo para ma-report kaagad sa awtoridad ang nasabing pangyayari at maparusahan ang dapat maparusahan. Napiling pinuno ng grupo si Karl Peralta.
“Nakikiusap ako sa ating mga kababayan na sana magtulungan tayo. Iisa lang ang laban natin,” pahayag ni Peralta na nakabili ng dalawang ticket.
Noong Hulyo 24, 2012, Martes ng gabi, muling nagpulong ang mga apektadong pasahero. Mas marami ang dumalo at nagpahayag ng kanilang sama ng loob. Patuloy pa rin sa pagtitipon ng mga apektadong pasahero ang Task Force KLM Barcelona. Mas malakas daw kasi ang laban kung sama-samang magsasampa ng kaso. Gumawa na rin ito ng Facebook account: TASK FORCE KLM BARCELONA upang mas mapadali ang komunikasyon sa mga miyembro nito.
Muling nagpulong ang mga apektadong pasahero noong Hulyo 31, 2012 at sa gabing yun ay binuo ang dalawang grupo: isang grupo na maghahabla laban sa travel agency at isang grupo na maghahabla laban sa direct agent.
Pinapayuhan ang ating mga kababayang nagpaplanong umuwi sa Pilipinas na mag-ingat sa pagbili ng ticket. Tawagan ang mga customer service agents ng kinauukulang airlines para malaman kung valid ba ang ticket na nabili. Alamin din kung authorized dealer ba ang pinagbibilhan at parating humingi ng official receipt.
Really a sad experience to those hoping to embrace their love ones after so many years of sadness and sacrificing, it so sad to know that also a fellow filipino will do this to his own ¨kababayan¨ , that money that they bought for those tickets means their sweats, hirap nilang pinag ipunan, hope everything will flow smoothly on this case, hope for the best for everyone and just pray, God´s always have a reasons on everything that happened, hope everybody will be both calm down so we could hear all the involving parties to do and say what they have to say and done,and will come out on a positive results that everyone is smiling at the end,and probably learned their lesson right here and there, hoping for the best, God bless us all!!!
Nakakalungkot talaga at nakakagalit. Ang hiling natin ngayon ay hustisya. Nangyari raw ito minsan sa Madrid at sa iba pang lugar sa Europa. Sana ay makamit ng ating mga kababayan ang hustisya.
sigaruduhin lamang ang mga papeles at kondisyones ng mga contract speciallly sa travel jess