Ni Daniel Infante Tuaño
Sa sunud-sunod na balitang lumabas sa umanoy pekeng plane tickets dito sa Barcelona, nangangamba ang marami, at nagnanais malaman ang paraan para makasigurong totoo ang plane ticket na binili, nang sa gayon ay hindi maunsyami ang bakasyong pinakahihintay matapos ang mahabang panahon na pagtatrabaho at pag-iipon.
Nakapanayam ko si Isaac D’Mello Valladares, manager ng isang awtorisadong travel agency dito sa Barcelona, ang Spain Travel Corporation. Sa kanila namimili ang ilan sa mga kababayan nating nagbebenta ng tickets. Nakausap ko rin ang pangulo ng mga negosyanteng Pinoy sa Barcelona na si Nico Cueto. Ipinaliwanag nila ang mga simpleng paraan para makasiguro kung valid ang tickets na binili natin:
1. E-ticket number. Kapag fully paid ka na, dapat lamang ibigay kaagad sa iyo ang plane ticket na may e-ticket number. Hindi sapat ang papel na may booking number at seat number, reservation number o confirmation number o kung anu-ano pa, ang kailangan ay ang plane ticket kung saan nakasaad ang iyong E-TICKET NUMBER. Matapos makuha ang e-ticket number, maaaring iverify ito sa website ng airlines o tumawag para masigurong totooo ang number na ibinigay sa iyo.
2. Resibo. Importante ring manghingi ng resibo. Ang resibo ay kailangang may stamp ng travel agency at NIF. Huwag mahiyang humingi ng resibo kahit kakilala, kamag-anak o kaibigan pa ang nagbenta sa iyo. Ito ang katibayan mong nagbayad ka.
3. Opisina. Tiyaking may opisina ang nagbenta sa iyo ng ticket. Dagdag pa ng Spain Travel, ang mga awtorisadong mag-issue ng plane tickets ay ang mga travel agencies na may nakapaskil na IATA o International Air Transport Association sa kanilang mga pintuan.
Kung peke ang nabili mong ticket, sana ay huwag ng umabot pa sa ganito, huwag palagpasin ang araw, agad-agad magtungo sa Policia at magsampa ng reklamo.
Leave a Reply