Game over!

17 Apr

Isinulat ni Joy Rebanal-Laygo

Masamang-masama ang loob ko nung araw na iyon. At para ma-relax ang puso at isipan ko, naisipan kong maglaro ang mga games na naka-download sa celfone ko. Iyong “brickbreaker” ang napili ko. Ang instruction, bibigyan ka ng 3 buhay. At habang nilalaro mo ito, may mga bonuses na lalabas para dumami pa ang buhay mo, ammunitions at iba pang gamit para ma-break mo ang lahat ng bricks sa bawat level. Nakaka-addict kasi sa tuwing mauubos ang buhay ko, mas lalo ang pagnanasa na makataas pa ako ng isang level at malaman kung anong merong bago sa level na susunod. Doon ko ibinuhos ang lahat ng aking panggigigil. Lahat ng sama ng loob, lahat ng hinanakit na nararamdaman ko ng mga sandali  na iyon. At habang sige ako sa panggigigil, siya namang dalas ng pag-game over ko. Ni hindi ako makaalis ng level three. Pero wala pa rin akong sawa sa kakapindot ng “New Game” sa tuwing mauubos ang “Life “ ko sa laro. Hanggang sa di ko na mamalayan na tumatakbo na ang oras.

At habang walang tigil ang pagpindot ko, na halos, sumakit na ang mga daliri ko sa ginagawa ko, ay naisip kong sana ang buhay gaya ng celfone or video games. Kahit may game over, pwede ka pa ulit maglaro. Pwede mong ulit-ulitin ang paglalaro hanggang sa ma-master mo na ang tricks at makaabot sa mataas na level at makakuha ng highest score. At sa tuwing makakakuha ka ng highest score, gagawin mo pa rin ang lahat para ma-beat mo ang nakaraang highest score mo. Kung minsan nga, nandaraya pa ako. Kapag alam ko na malapit na akong ma-game over, di ko na tatapusin ang laro at restart ko na ulit ang game para makapag-umpisang muli.

Sana ganun nga lang kadali at kasimple ang buhay. Pero hindi nga. Hindi ganun ang instructions sa laro ng buhay. ‘Pag start na, sa sandaling huminga ka na ng hangin, umpisa na ang laro mo. Istrikto ang laro. Walang three rounds gaya nung ibang games. Isang beses lang. Isang life lang. ‘Pag natapos na. Tapos na nga talaga. No turning back. No going back. ‘Pag nangyari na, nangyari na. ‘Pag nagkamali ka, wala nang bawian. Kailangan, ituloy-tuloy mo na lang. Unless, mabuwisit ka na sa paglalaro at ‘di mo na hintayin ang game over mo dahil kusa mo nang inihinto ang laban mo kasi pagod ka na at ayaw mong umabot ka sa puntong talunan ka na. Eh buti pa nga ang electronic games, pwede mong pindutin ang “pause” para uminom ng tubig o umihi. Eh ang buhay ba natin pwede nating itigil saglit, lalo na pag ang bilis na ng mga pangyayari sa ating buhay? ‘Pag di mo na kayang huminga sa hirap o sagad na sagad ka na sa problema? Walang pause na pwedeng pindutin. Tuloy-tuloy ang buhay. Tumigil ka man sa pagkakatayo mo, wala siyang pakialam, tatakbo at tatakbo ang oras mo, bagalan mo man o bilisan ang ginagawa mo. Ang bottomline, walang pakialam sa iyo ang buhay. Kaya dapat, ipagpatuloy mo lang hanggang di natatapos ang laro ng buhay mo.

Pero napansin ko, habang naglalaro ako ng “brickbreaker”, mas nanggigigil ako, mas galit ako sa tuwing nababawasan ang buhay ko, mas lalong hindi ako nakakaalis sa level 3. Kaya tumigil ako saglit. Nag-inhale, at exhale. Saka ko ulit sinubukang maglaro. Buo na ang concentration. Wala nang panggigigil. Ang objective ko na lang, makaalis sa level three. Tinandaan kong lahat ang mga tricks na natutunan ko para di agad mabawasan ang “3 lives” ko at sa halip ay madagdagan pa ito. Iniwasan ko ang mga dapat iwasan para makarating ako sa mas mataas na level nang buong-buo ang mga “life” ko sa laro. Pinagpawisan ako, nangati ang pisngi ko pero di ko iyon pinansin. Hindi ako nagpa-istorbo sa ingay na naririnig ko. Para bang “the greatest performance of my life” ang drama ko!

At di nga ako nagkamali. Mula sa level 3, nakarating ako sa level 6. Tuwang-tuwa ako. Parang batang paslit na tumatawa ako. Kaya ko naman pala! Madami pang levels ang “brickbreaker”, ni hindi pa nga ako umaabot sa ¼. Pero uunti-untiin ko hanggang sa tumaas nang tumaas ang level na pwede kong marating. Para kahit na ma-gameover na ako, alam ko, nakarating ako sa maraming levels na pwede kong ipagmalaki kahit sa sarili ko na lang.

Hehehehe. Naisip ko muli, puwede ring i-apply sa buhay. Siguro nga, kailangan, harapin natin ang lahat ng levels ng buhay natin ng walang panggigigil. Dapat walang mabibigat na bagahe. Para buo ang konsentrasyon natin sa pagtahak sa direksyon na gusto natin. Mahirap gawin sa aktuwal na buhay pero kayang subukan kung gugustuhin. Wala namang mawawala. Ewan ko sa inyo, pero ako, pangarap kong makarating sa kadulu-duluhan ng buhay ko nang alam ko na ginawa ko ang lahat bago man lamang ako umabot sa “gameover” ng buhay ko.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: