(Bukas po ang blog na ito sa lahat ng gustong magbahagi ng kanilang mga nasasaloob. Ipahatid natin sa buong mundo ang ating mga kuru-kuro, hinaing, papuri, pagpuna, drama o komedya ng buhay natin gamit ang ating mga panulat kagaya ng artikulo na ibinahagi sa atin ni Gng. Joy Rebanal-Laygo)
‘Di na bago sa akin ang mga balita na naglalaman ng papuri sa mga Pinoy sa ibang bansa. Magaling magtrabaho, masipag, malinis, matapat, magaling makisama, matalino, matiyaga, at marami pang iba. Nakakataba ng puso. Parang mas lalong nakakagana magtrabaho. Bayani nga…Pero teka, teka lang! Bago tayo malunod o malasing sa dami ng papuri at paghanga, ‘di ba kayo nakakaramdam ng konting kaba? Di ka ba pressured? Parang kasunod ng mga salitang naglalarawan sa isang manggawang Pinoy ay ang napakataas na “expectation”.
Parang katulad iyan ng isang beauty queen, parang si Miss Universe. Siya ang hinirang na pinakamagandang babae sa buong universo. So dapat, lagi siyang maganda, kaaya-aya, kaakit-akit. Hindi siya pwedeng tumaba, pumangit at mabungi kasi baka bawiin sa kanya ang korona niya. Kailangan mamuhay siya ayon sa “expectations” ng mga taong tumatangkilik sa kanya. Hanggang sa hawak niya ang titulo, hindi siya pwedeng mag-asawa o mabuntis kasi kailangan niyang patunayan na karapat-dapat siya sa isang karangalan na ipinagkaloob sa kanya. Ang tawag dun, obligasyon at responsibilidad.
Ang Madrid at ang Barcelona ang dalawang ciudad sa España kung saan napakaraming Pilipino ang naninirahan. At pagdating sa larangan ng trabaho, lalo na sa “servicio domestico”, tayong mga Pilipino ang “in demand”. Ika nga, “most requested” ang mga Pinoy. Kasi masunurin (pag baguhan pa lang), malinis magtrabaho, may “hygiene”, marunong mag-Ingles, matatalino at mapagkakatiwalaan lalo na kung may alagang mga bata sa kanilang papasukan. Kung sa trabahong restaurant naman, ganun din, madali daw ang “pick-up” ng utak ni Juan dela Cruz, kahit di nag-aral ng culinary arts, bigyan lang ng pagkakataon, sa konting panahon, kaya na niyang gampanan at gawin ang halos lahat ng trabaho sa loob ng restaurante. At napakarami pang istorya ng kagalingan ang pwedeng ikuwento kung Pinoy rin lang ang pag-uusapan.
Pero dahil nga nakakalasing ang tagumpay o papuri, may mga kababayan tayo na nakakalimutan na obligasyon niyang alagaan ang kanyang imahe bilang mabuting manggagawa. Yumayabang. Napapariwara. Kasi magaling daw sya. May nalululong sa droga hanggang sa mapabayaan ang kanyang trabaho. Mayroong suki ng sugalan. Iyong iba nga, kasusuweldo pa lang, imbes na kay misis i-entrega ang sweldo, eh kay “Martinez” nag-eentrega ng buong kinita nya. May mga kumukupit sa mga amo (dahil malaki na ang tiwala sa kanya). Tabi-tabi na lang po sa maaring tamaan. Pero ito po ang katotohanan. Masakit pakinggan ngunit kailangang may magpapaalala. Ilang Pilipino na dito sa Barcelona ang nasangkot na sa droga? Gaano kalaking pera ang pinapatalo ng mga Pilipino sa sugal? Ilang pamilya na ang nawasak? Eh, ano na ang nangyari kay “Pinoy” na ang galing-galing?
Kahanga-hanga ba ang isang komunidad na hindi ginagampanan ang kanyang responsibilidad sa kanyang pamilya? Ang obligasyon mo bilang ano nga ba iyon? Bagong Bayani? Paano ka tatawaging magaling kung wasak ang pamilya mo? Paano ka hahangaan kung ikaw mismo ang sumisira sa sarili mo? Minsan, ang kagalingan, mas mabuting inilalagay sa puso kaysa sa isipan. Mas mabuting ang galing ay pinatutunayan at hindi ipinagyayabang.
Isang hamon ang inihahain ko ngayon sa aking mga kababayan. Tapos na tayong ipakita sa lahat kung gaano kagaling ang Pinoy, ngayon, patunayan naman natin, na ang lahat ng iyon ay katotohanan at hindi pakitang-tao lamang.
Totoo nga po ang inyong nasabi, at talagang maraming Filipino na nababaon sa utang dahil lang sa sugal. Hindi sila nanghihinayang sa kanilang pera ni hindi man lang nila maisip na ang sasahurin nila ng isang buwan ay pinapatalo lamang ng isang idlap. Ano kaya ang paraan para matulongan natin ang karamihan nating kababayan na nalubog na sa sugal? Sabihin mong mag-aral e wala naman daw panahon pala magdamag sila sa binguan. Buhay Filipino talaga, may mga career nga pero di naman pinapairal kungdi…..
nagyayabangan.
Nakakalungkot po ito dahil halos magpakamatay ang iba sa ating mga kababayan para makakuha ng trabaho sa Espanya at magkaroon ng magandang kinabukasan. Pero mukhang ang iba ay nakakalimot at napapariwara, ang gusto ay easy money, pang-alis ng stress. Dapat malaman ng kinauukulan ang mga ganitong kaso nang sa gayon ay hindi ito lumala at maging isang malaking problemang panlipunan pa. Tayo pong nasa asosasyon ay may boses upang ipahatid ito sa gobyerno rito sa Espanya.Tanungin natin kung ano ang maaaring solusyon laban dito.
Dan, kailangan din nilang malaman, na hindi lang problemang bisyo ang pagsusugal. Maari din silang i”redada” kapag nalaman na may sugalan sa isang lugar na walang permit. Bawal iyan dito, baka mapreso pa sila, at pauwiin. Akala nila konting pera lang at hindi iyan papansinin, pero nung isang araw, nakita ko sa TV, may mga jubilado na nagbibingo araw- araw sa isang bar, inimbistiga sila, para talagang malaman kung pangpalipas oras lamang o may negosyo. Mag.ingat tayo diyan, baka magkapolice record pa. tapos problema pag-ayos ng papeles o mag -renew. salamat po.