Tambayan ng mga kababayan natin sa Hong Kong tuwing Linggo. ws.blancspot.com
Marunong akong magluto, maglaba, mamalantsa at maglinis ng bahay al fondo.
Lumaki kasi ako na marunong sa gawaing bahay. Ang sabi kasi ng nanay ko: “Hindi porket mga lalaki kayo hindi kayo matututo ng mga gawaing bahay!” Medyo abansado na ang mga magulang ko pagdating sa gender roles.
Isa pa, ilang taon din akong nag-aral at nagtrabaho sa Manila. Walang choice, hindi naman ako puwedeng mag-Chicken Joy araw-araw, kaya natuto akong magluto.
Hindi mo aakalain na ang mga maliliit na bagay na natutunan mo ay magagamit mo pagdating ng panahon. Ang panahon na yun ay dumating noong dumating ako sa Barcelona halos pitong taon na ang nakararaan.
Ewan ko ba. Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako na sa aming grupo ng mga scholars, ako lang yata ang hindi nakakatanggap ng allowance kapag bakasyon. Kapag wala akong klase, wala akong allowance. Halos apat na buwan din akong walang klase.
Buti na lang marunong akong mag-ipon at higit sa lahat marunong akong maglinis, maglaba, mamalantsa at maglinis ng bahay al fondo.
Karamihan ng mga Pilipino sa Barcelona ay nagtatrabaho sa restaurante o sa bahay. Bawal akong magtrabaho sa restaurant dahil student permit lang ang hawak ko. Kaya napasabak ako sa paglilinis ng bahay.
Noong una, bantay bantay lang, guardacasas. August noon. Kailangan lang ng magbabantay ng bahay kapag weekend. Meron kasing bahay bakasyunan sina señor sa Puigcerda at nandun sila kapag weekend. Hindi naman nila puwedeng iwanan ang bahay nang walang tao. Iba kasi ang nakawan dito, hindi lang raw akyat-bahay, truck ang dala ng mga magnanakaw.
Nang lumaon ay naglilinis na rin ako ng baño, at naglilinis ng bahay al fondo, yung lilinisin mo yung kasulukuk-sulukan at kung minsan lilinisin mo yung malinis na. Kailangang kumikintab na sa linis, yung nakakainis na sa linis.
Natuto rin akong mag-beddings. Hindi pala ganun kasimple ang mag-ayos ng kama. Kailangan mong buhatin minsan ang colchon para mailagay nang maayos ang sapin. Kaya nga ganun na lang ang simpatya ko sa mga naglilinis sa hotel lalo na sa mga five-star hotels kung saan mas malalaki at mas mabibigat ang kama.
Nag-alaga rin ako ng bata. Ang bungad sa akin ng aalagan ko: ¡Qué te mueras! (Mamatay ka na!) Bago pa man mangyari yun, nilayasan ko sila. Matapang na akong mawalan ng trabaho kasi darating na ulit ang allowance ko. Hindi ko na kailangan pang magtrabaho sa bahay.
Ilang buwan lang ako nanilbihan. Masaya dahil binayaran ako ng tama. Masaya dahil tao ang naging trato sa akin, puwede akong gumamit ng swimming pool, kung ano ang pagkain nila yun din ang pagkain ko, at may sarili akong room, may sariling baño pa. Masaya dahil ang paglilinis ko ng bahay ang nagbukas ng pintuan sa akin para makapaghanap ng gusto ko talagang trabaho. Masaya dahil naranasan ko ang hirap at sarap ng pagtatrabaho sa bahay.
Malayung-malayo ang karanasan kong ito sa sitwasyon ng ilan sa mga domestic helpers sa ibang bansa. Hindi sila masaya: may natutulog sa baño, may hindi pinapasuweldo, may binubugbog, may ginagahasa at may iba hindi na umuuwing buhay sa Pilipinas.
Kaya naman laking tuwa ko matapos kong malaman ang mga nakamit ng mga domestic helpers ngayong taon pa lang.
Una ay ang pagkilala ng International Labor Organization sa domestic work at ang paggalang sa karapatan nila bilang manggagawa. Ang pangalawa ay ang pagkapanalo ng isang Filipina domestic worker upang magkaroon siya ng permanent residency sa Hong Kong, kung saan lahat ay maaaring maging permanent residents maliban ang mga domestic workers.
Napakalaki at makasaysayan ang mga panalong ito para sa mga taong itinuturing na maliit ng lipunan. Ang lipunang hindi pumapansin sa napakalaking kontribusyon ng mga domestic workers.
Kung walang maglilinis ng bahay at mag-aasikaso ng mga anak, makakapagtrabaho ba si Señora? Magkakaroon ba siya ng oras para asikasuhin ang kanilang negosyo? Magagawa ba ni Señora maabot ang sarili niyang pangarap bilang babae? Ano kaya ang mangyayari sa Hong Kong kung ang mahigit 200 libong domestic workers ay biglang tumigil magtrabaho?
Kung sasagutin ang mga tanong na ito, makikitang napakalaki ng kontribusyon ng mga domestic workers sa pagbabago at pag-unlad ng lipunan, mas higit pa sa kakayahan nilang magluto, mamalantsa, maglaba at maglinis ng bahay al fondo.
Isama nyo pa ang magkaroon ng segment sa sikat na talk show sa US, Ellen:
Si Mindy, ang sikat na Pinay housekeeper/movie critic/TV critic/segment host/reporter ng sikat na si Ellen DeGeneres.
DAHIL mga pinoy….walang ambisyon!!!! Masaya na as domestic kahit mga engineers!
Ako po ay Pinoy. Ako po ay may ambisyon. Masaya po ako noong nagtrabaho ako sa bahay. Ako po ay college graduate. At ngayon po ay nagtatrabaho ako sa opisina at hindi po tagalinis ng opisina. Yun pong isang buong araw na nakaharap sa computer. Kayo po, Pinoy po ba kayo? Meron po ba kayong ambisyon? Ano po ang trabaho ninyo?
Dahil mga tamad…ayaw mag aral ng foreign language..tuloy…dish washer!
Ako po ay nagtuturo ng foreign language, Spanish, sa mga Pinoy na tinatawag ninyong tamad. Karamihan po sa kanila ay nagtatrabaho sa bahay, ang iba ay sa restaurant, maaaring may nagtatrabaho as dishwasher. Kahit po 6 na araw silang nagtatrabaho pagdating ng Sabado, puno po ang klase ko. Gusto nilang mag-aral ng Spanish.
Ang punto ko po rito ay 1) Mali ang gumawa ng generalization, yung nilalahat dahil hindi naman po ninyo kilala ang lahat ng Pinoy sa mundo. Hindi ninyo naman po sila iniisa-isa at kinausap at nakasama para gumawa ng isang paghuhusga. May ilang iba mag-isip, may ilan na may ambisyon at may ilan na masaya na maging dishwasher. Doon po sila maligaya. Hindi naman po nila pinapakialaman ang kaligayahan ninyo. 2) Depende rin po sa available na trabaho para sa kanila. Kagaya sa Barcelona, karamihan ang trabaho ay sa restaurant o sa bahay. At bilib sila sa mga Pilipino dahil raw magaling magtrabaho. Kung meron po bang mag-offer ng trabaho bilang engineer sa isang Pinoy na engineer na nasa Barcelona, sino ang tatanggi rito? Ang inaalok na trabaho sa isang engineer ay maghugas ng plato at ang Pinoy kailangan ng trabaho, tatanggihan ba niya yun? Marami na pong pag-aaral na nagsasabi na hindi open ang labor market sa ilang bansa katulad ng Spain. Ni hindi nga po kayo makakita ng bus driver na ibang lahi rito. 3) Ang layunin po ng artikulong ito ay pahalagan ang naging kontribusyon ng mga domestic helpers sa lipunang kanilang pinagsisilbihan. Maaaring mas malaki pa ang kanilang magiging kontribusyon kung bibigyan sila ng pantay na oportunidad na makapagtrabaho ng tinapos nila. Katulad sa Hongkong. Malaki ang takot ng mga tao roon dahil alam nilang competitive ang mga DH, magaling mag-English at may tinapos. Kapag naging permanent residents na ang mga DH, ayon mismo sa mga DH, maghahanap sila ng ibang trabaho at hindi bilang DH o bilang dishwasher.
ang nagsabing “tamad”, that´s very unfair! the fact that Filipinos with high educational attainment accept cleaning jobs, or the like, is proof of the contrary. Filipinos would rather work than be out of it.
As to the comment na walang ambisyon, perhaps that may be true to some, but NOT to ALL. Sometimes, finding a job in line with your educational attainment is almost impossible for Filipinos. But to be fair to Spain, I do not think it is because Spain refuses to give these jobs to non- Spaniards, but because they cannot even cover their own population. Have you realized how many Spanish people are out of work right now? In fact you find young Spanish Univ graduates right now accepting shell-filler jobs ( reponedores) in Supermarkets.
Back in the 80’s when Spain was growing and developing, a lot of Filipinos easily landed very good jobs, basically because of their English. That is why I encourage Filipinos, if they want to compete with the Spaniards for good jobs, first they should speak the language (spànish or catalan). Then they should not forget their English, because that gives us the advantage over them. Kung engineer ka nga naman at hindi ka marunong mag- Spanish, at yung English mo baluktot, akala mo ba mas deserving ka kaysa sa español? Tapos, kung mahirap na nga sa atin ang Engineering, i-try nyo dito!. yung math and sciences level natin sa college, pang HS lang dito!!!!.