(Ed. Note: Hindi Biro ‘to ni Kay S. Abaño. Inaanyayahan namin kayo na ibahagi sa amin ang inyong mga kuwento, ma-drama man ito, nakakatawa o pang-adventure. Ngayon na ang panahon upang malaman ng inyong mga anak, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kapitbahay sa Pilipinas, ng ating pamahalaan at ng buong mundo na ang maghanapbuhay at mangibang bansa ay hindi biro.)
TIMOG LUZON, PEBRERO 2008
Si Ana* ay mula sa isang probinsya sa Timog Luzon, 23 taong gulang at guro sa isang pamantasan. Hinihintay niya sa mga sandaling iyon na maayos ang petition ng kaniyang mga magulang na nasa US nang nabalitaan niya ang tungkol sa isang proyekto ng kanilang Mayor na magpapadala ng mga manggagawa sa Espanya. Ayon sa kanilang Mayor, isa raw itong tulong ng gobyerno ng Espanya sa Pilipinas. Trabaho sa pabrika ang pagkakaalam nila, tagahiwalay ng maayos at di-maayos na strawberries. Mula tatlong hanggang anim na buwan lang daw ang kontrata at maganda naman ang sweldo kaya madali silang nahikayat na mag-apply. Tinulungan din sila ng isang bangko sa kanilang siyudad na bayaran ang lahat ng gastos sa kanilang pag-alis, kaya’t mas lalo silang nagkaroon ng lakas ng loob.
Kilala ng Mayor nila ang presidente ng isa sa dalawang ahensiyang nakipagsundo sa gobyerno ng Espanya kaya’t madaling na-approve ng kanilang application at agad naayos ang kanilang mga permit. At bagama’t walang bersyong Tagalog o Ingles ang kontratang Espanyol, tuloy pa rin silang nagtiwala at naghandang umalis. Umabot sa 200 kababaihang mula sa iba’t-ibang probinsya ng Luzon ang natuloy na pumunta sa Espanya.
HUELVA, MARZO 2008
Pagkatapos ng isang mahabang biyahe mula Manila hanggang Huelva, sa wakas sila rin ay nakarating sa kanilang tirahan. Maayos naman daw ang kanilang apartment doon at agad naman silang binigyan damit at pagkain. Ngunit hindi ganoon kaayos ang lahat. Ang sinabi sa kanilang trabaho sa pabrika ay hindi pala totoo– sila ay kinontrata para mag-ani ng strawberries. Sila mismo ang mamimitas ng prutas at ang magdadala ng mga kahon nito sa mga trucks. Ninais man nilang umangal, hindi rin nila ito nagawa sapagkat wala sa kanilang marunong mag- Espanyol.
Madaling araw silang nag-uumpisang mag-trabaho sa kampo. Ubod ng lamig kaya’t kailangan nilang magsuot ng patung-patong na damit at maglagay ng guwantes. Kailangan nilang yumuko upang maabot ang mabababang halaman, piliin ang magagandang strawberries, at punuin nito ang mga kahon na 2 kilo ang nilalaman. Maghapon nila itong ginagawa. 35 kahon ang pinakakaunti na maaari nilang anihin sa isang araw. Ayon kay Ana, madalas siyang napaluha sa hirap at sa klase ng trabaho. Gayon din ang iba niyang kasama na mga professionals din sa kanilang mga pinanggalingang siyudad. Ang isa pa ay ang kanilang apartment- malayo ito sa bayan, kaya’t lahat ng kanilang galaw sa labas ng trabaho ay limitado. Hatid-sundo sila sa bayan kung saan sila maaaring mamili, gumamit ng internet, magpadala ng pera sa bangko, at tumawag sa Pilipinas. Sa hirap ng mga kondisyon at hindi kasanayan at pagkaya sa trabaho, ang biyaheng ito ang siyang naging paraan upang makatakas ang ilan sa kanila.
Ayon kay Ana, bagma’t halos araw-araw siyang umiiyak sa trabaho, kinaya niya ito dahil sa kaniyang mga kasama. Silang lahat ay nakatira sa iisang bahay, kaya’t sila-sila rin ang nagpasaya at nagbigay ng lakas ng loob sa isa’t- isa. Ngunit hindi rin nakatagal sila Ana. Pagdating ng Mayo (matapos ang 2 buwan doon), sila ay tumakas patungong Barcelona. Sa 200 na kababaihang nagtrabaho roon, 20 lamang ang nakatapos ng kontrata at nakabalik sa Pilipinas.
BARCELONA, MAY 2008 – 2010
Sa kabutihan ng kapwa Pilipino, sila Ana ay natulungang makahanap ng tirahan at ng bagong trabaho pagkarating nila sa Barcelona. Makalipas ang dalawang taon, malinaw pa rin sa kaniyang alaala ang lahat ng nangyari. Kahit na hindi niya pinagsisisihan ang lahat ng kaniyang ginawa, tinatanong pa rin niya ang kanyang sarili kung bakit madali silang nagtiwala. Siya ba ay nainip na lang sa paghihintay ng petition para sa US? O ito ba ay dahil sa lubos niyang kagustuhang mag-abroad? Wala rin naman sa isip niya na bumalik sa Pilipinas sapagkat ayaw niyang umuwi nang bigo at talunan. Mas mainam pa raw na manatili siya sa Barcelona upang makaipon at mabayaran ang lahat ng nagastos niya sa pagpunta sa Espanya. At kahit pa walang permisong magtrabaho si Ana at ang kahirapan ng kalagayang ito, iniisip na lang niya kung kinaya raw ng mga kasama niya, ang lahat ng ito ay kakayahin din niya.
*hindi totoong pangalan.
Leave a Reply