(Ed. Note: Hindi Biro ‘to ni Kay S. Abaño. Inaanyayahan namin kayo na ibahagi sa amin ang inyong mga kuwento, ma-drama man ito, nakakatawa o pang-adventure. Ngayon na ang panahon upang malaman ng inyong mga anak, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kapitbahay sa Pilipinas, ng ating pamahalaan at ng buong mundo na ang maghanapbuhay at mangibang bansa ay hindi biro.)
Sina Joan at Grace ay may halos dalawang taon nang namamasukan sa isang pamilya sa isang bansa sa Middle East. Hindi na bago ang kwento nila- sobrang mahigpit ang kanilang employer, mahirap at mabigat ang trabaho pero maliit ang sweldo. Kaya nang nalaman nila na magbabakasyon ang pamilya sa Espanya at isasama sila, sina Joan at Grace ay nagkaroon ng ideya.
Ang kanilang ‘game plan’- tumakas! Nag-rent ng bahay sa isang maliit na pueblo ang employer nila. Nasa itaas ito ng bundok at malayo sa bayan. Ngunit talagang wala nang makapipigil pa sa kanila, kailangan nilang gawin ito. Pinili nilang umalis noong huling gabi ng kanilang bakasyon, pagkatapos nilang patulugin ang kanilang mga alagang bata. Hinalikan pa nga nila ang mga ito sa pisngi para magpaalam. Matapos nilang kunin ang gamit nila, dahan-dahan silang bumaba sa kanilang mga kuwarto at naghintay na makatulog ang kanilang mga amo. Pagsapit ng a la 1 ng madaling araw, umakyat sila sa bakod at tumakbo patungong gubat. Nang makalayo na sila, inilabas nila ang baon nilang mga kumot at doon natulog at naghintay ng umaga.
Paano nag-survive sina Joan at Grace sa gubat? Nakapagbaon din sila ng mga cookies! Iyon ang kinain nila habang hinahanap nila ang daan patungong bayan. Matagal silang paikut-ikot sa gubat, nakapag-picture taking pa nga silang dalawa- sa gubat, bitbit ang kanilang mga maleta. Ngunit pagkalipas ng halos buong araw, hindi pa rin nila ito matagpuan. Kaya’t naisipan nilang bumalik sa bahay-bakasyunan, sigurado’t wala na ang mga amo nila. Doon nila natagpuan ang isang empleyadang Espanyola na siyang tumulong sa kanilang makarating, sa wakas, sa Barcelona. (pagkadating sa Barcelona, sa kasamaang palad, ay nanakaw ang kanilang kamera)
Leave a Reply