(Ed. Note: Bilang paggunita sa Araw ng mga Bayani, bubuksan ng Ang Bagong Filipino ang isa pang regular na seksyon upang ilahad ang totoong kuwento ng ating mga kababayan, mga ordinaryong manggagawang katulad natin. Bagama’t simpleng tao lamang, tinuturing silang bayani ng kanilang mga mahal sa buhay dahil sa kanilang pagtitiis at pagsusumikap upang mabigyan sila ng mas maalwang buhay. Bayani rin sa tingin ng bayan dahil sa kanilang importanteng kontribusyon sa ekonomiya ng bansa. Inaanyayahan namin kayo na ibahagi sa amin ang inyong mga kuwento, ma-drama man ito, nakakatawa o pang-adventure. Ngayon na ang panahon upang malaman ng inyong mga anak, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kapitbahay sa Pilipinas, ng ating pamahalaan at ng buong mundo na ang maghanapbuhay at mangibang bansa ay hindi biro.)
Bakit ba kung saan-saan matatagpuan ang mga Filipino? Sila ba ay likas na makati ang paa, ‘di mapakali at ibig lumakbay basta’t mayroong pagkakataon? (Di ba’t ayon sa ating kasaysayan, ang paglalakbay at pangingibang-bansa ay hindi na bago sa mga Filipino? Dati na nating ginagawa ito bago pa man magtagpo sina Magellan at Lapu-Lapu.) O siya ba ay itinutulak ng pangangailangan, pinipiling iwanan ang pamilya upang kumita ng mas malaki, alang-alang sa kanilang kinabukasan?
Anuman ang dahilan ng kanilang pag-alis, talaga namang kahanga-hanga ang lakas ng loob ni kabayan! Sapagkat hindi biro ang iwan ang sariling lupain, at higit pa roon ay ang mawalay sa kanilang mga minamahal. Ang lahat ng ito ay sakripisyong hindi maaaring maipaliwanag at maintindihan sa kabuuan ng walang mabuting pagsasalaysay. Kaya’t ating alamin ang kanilang mga buhay, at nang sa gayon ay bigyang-pugay ang kanilang mga sakripisyo.
Si LOLA NATY. LONDON, ENGLAND.
Si Lola Naty ay nagtatrabaho bilang tagalinis sa isang home for the mentally disabled sa London. Siya, tulad ng maraming OFW, ay may 2 pang ibang trabaho. Siya ay cleaning assistant din sa isa pang home for the disabled, at mayroon din siyang nakukuhang sweldo mula sa gobyerno ng United Kingdom.
Maayos ang kanyang pamumuhay–may sarili siyang apartment sa central London na binabayaran din ng gobyerno at wala siyang ibang kasama sa bahay. Hindi rin kasi siya pinapahintulutang magkaroon ng kasama sa bahay. Kahit na ang isa sa mga anak niya ay nasa London na rin, hindi niya maaaring isama ito sa kaniyang bahay. Kapag ginawa niya ito, babawiin ng gobyerno ang kanyang apartment at maaaring pati ang kanyang suweldo. Pensionista na kasi si Lola Naty- isang ginang na may 75 taong gulang. At bilang UK citizen, may 15 taon na siyang tumatanggap ng retirement benefits, habang patuloy pa rin ang kanyang pagtatrabaho sa mga nasabing institusyon bagama’t “en negro (under the table)” na ‘to.
Bakit patuloy pa rin ang pagtatrabaho ni Lola Naty? Ayon sa kanyang kaibigan at katrabahong nurse, may pinapaaral pa itong mga apo sa Pilipinas. Sa kanya umaasa ang mga ito para sa kanilang tuition. Ok lang naman daw kay Lola Naty, nasanay na rin siyang mabuhay ng mag-isa, at gusto pa niyang magtrabaho. Kahit nga may pagkakataon siyang umuwi, pinipili na lang niyang manatili sa London upang hindi na gumastos pa sa pamasahe. Sayang naman daw, ipapadala na lang niya ito sa kanyang mga apo. Panayam at panulat ni Kay S. Abaño
Leave a Reply