Hamog

31 May

Inaanyayahan po namin kayong ibahagi  at ipadala sa Ang Bagong Filipino ang inyong saloobin, hinaing o anumang kuwento na nais ninyong makaabot  sa ating mga kababayan kagaya nitong maikling kuwento ni G. Dixon Hernandez:

Photo: http://www.flickr.com/photos/lenareh/

Halos lahat ng tao sa kanilang murang edad ay kasabay ang pag-usbong ng isang minimithing pangarap. May nangarap na magsilbi sa bayan at kapwa-tao, mayroon ding nangarap na maiahon sa hirap ang lahat ng mahal sa buhay at higit sa lahat marami ang nangarap na magtungo at makipagsapalaran sa ibang bansa sa kabila ng katotohanang hindi lahat ng sumubok nito ay nagtatagumpay.

Subalit, bakit? Marahil ay likas sa ating mga Pilipino ang pagkakaroon ng lakas ng loob at determinasyon na kayang abutin ang lahat ng pangarap kung may pagsisikap. Marahil ay ito ang natatanging dahilan upang maisakatuparan nila nang mabilis ang kanilang mga adhikaing pinapangarap, at marahil ito na ang sagot sa layunin nilang guminhawa ang buhay ng bawat isa. Narito at tunghayan ninyo ang aking maikling kwento, sana’y maging inspirasyon ito sa ating lahat :

Mayroon akong isang kaibigan na nangarap pumunta at magtrabaho sa ibang bansa. At gaya ng marami sa atin galing din siya sa angkan ng mga taong ika nga´y hindi naman gaanong hikahos at hindi rin naman nakakaangat sa buhay, average level lamang kumbaga. Tanging pagsasaka at pagbubungkal ng lupa ang ikinabubuhay. Natatandaaan ko pa noon, sa tuwing sasapit ang alas dose ng tanghali, hudyat upang magpahinga sa halos kalahating araw na nakabilad sa ilalim ng matinding sikat ng araw, upang pansamantala ay maibsan ng pawis at upang kainin ang pananghalian na kanina lamang ay hinatid ng kanyang ina. Halos ganito umiikot sa araw araw ang buhay ng aking kaibigan at kababata na rin. Saksi ako sa pang-araw araw niyang gawain at obligasyon. At sa ganitong pagkakataon tanging lilim ng isang malaking puno ang kanyang nagiging sandalan at proteksyon upang kahit papaano ay makapagpahinga, makabawi ng lakas at makapagmuni-muni na rin. Pero ang laki ng pagbabago hindi ko namalayan, heto na siya ngayon…

Tiktak…tiktak…Hindi mapakali, abot ang tingin sa relo na nasa braso habang matiyagang hinihintay ang takdang oras upang mag check-in sa airport ng Maynila. Sa wakas unti-unti nang magkakaron ng katuparan ang kanyang mga pangarap. Mabilis lumipas ang mga oras, heto na ang tamang hudyat upang pumasok sa loob, buung-buo ang pag-asa habang hila-hila ang mga bagahe. Subalit sa likod nito ay hindi maikukubli ang kirot na nararamdaman sa katotohanang kailangan niyang lumayo, magsakripisyo at mahiwalay sa mga mahal sa buhay hindi lamang saglit kundi ilang taon ang kailangang gugugulin. Napakasakit, parang dinudurog ang puso ngunit kailangang labanan at tanggapin para sa kapakanan ng nakararami. Para bang isang sugat na malalim, makirot, mahapdi at tanging malulunasan lang at tuluyang maghihilom kapag naabot na lahat ng mga pangarap nya. Talagang  hindi kayang pigilan ang sunud-sunod na patak ng mga luha, dire-diretso sa pagdaloy, lalo na ngayon at kailangan ng magpaalam.

Pagkalipas ng mahabang oras, may naramdaman siyang kakaiba, tila ba nag-iba ang klima, malamig, pero kakaiba talaga, sa pakiwari niya ay ngayon lang niya nararamdaman ang ganito, nabuo sa kanyang isipan. Ahh siguro nga ay malapit na ako sa aking patutunguhan, nasambit niya sa kanyang sarili. Marami na ang naglalaro sa kanyang isipan. Maya-maya pa´y biglang nabasag ang katahimikan sa loob ng eroplano. Umalingawngaw ang isang tinig, nagmula ito sa piloto, kailangan nang maghanda´´fasten your seatbelt´´wika niya. Ilang sandali na lang at lalapag na ang eroplano. Magkahalong kaba at pananabik ang kanyang nararamdaman dahil hindi niya alam kung anong kapalaran ang sa kanya´y naghihintay. Tanging inisip na lang niya na hindi siya pababayaan ng Poong Maykapal.

Pagkalipas ng ilang minuto, agad niyang napansin ang mga kasabay na pasahero na isa-isa ng nagtatayuan at kinukuha ang bawat bagahe. Siguro nandito na kami, hay salamat, nabigkas niya, natapos rin ang mahabang biyahe. Subalit bakit ganun?…Hindi siya makatayo sa kanyang kinauupuan, tanging siya na lamang ang natitira,tinangka niyang habulin at kausapin ang nahuhuling pasahero na abot pa ng kanyang tingin subalit tila hindi siya naririnig. Bakit ganun? Anong problema? Hindi ako makaaalis sa upuan. Tanging siya na lang ang naaroon. Nagpupumiglas at sumigaw ng sobrang lakas subalit wala ni isa man ang sa kanya´y nakapansin. Napahagulgol siya ng iyak sabay nagpakawala ng sunud-sunod na malalakas na sigaw,nagmamakaawa,humihingi ng tulong…

Hanggang sa makaramdam siya ng malamig na butil ng tubig na pumatak sa kanyang mukha. Nagulantang siya at biglang nagising. Pero laking gulat niya ng pagbukas ng kanyang mga mata ay natunghayan niya ang isang malaking puno na nagtataglay ng malalagong dahon, kasabay ang sunod sunod na patak ng ulan na kanina´y padaka daka lamang, animo´y isang hamog sa umaga. Naidlip pala siya at nanaginip lamang. Marahil ay dahil na rin sa matinding pagod na naramdaman. Buong akala niya ay abot na niya ang inaasam na pangarap, hindi pa pala. Bigla siyang nalungkot at halos mawalan ng pag asa. Naisip niya, siguro ay hindi pa napapanahon, sayang at panaginip lang pala.

Kaya para sa mga kababayan ko, tayong lahat na nandito na at nabigyan ng pagkakataon, nawa´y pagbutihin natin at ingatan ang magandang opurtunidad na ito. Iwasan natin ang anumang bisyo at masamang gawain na pwedeng makasira at makapagpahamak sa ating mga sarili. Sobrang swerte natin sa aspetong ito dahil nandito tayo at tuluyang tinutupad ang ating mga pangarap. Hindi nag-iisa ang kaibigan ko na nangarap magtrabaho rito, marami sila, subalit nananatiling bigo.

Mapalad tayong mga nandito, paunlarin, pagyamanin at ituring na isang magandang instrumento ang buhay upang sa ganun marating natin ang minimithing tagumpay. Dixon Hernandez

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: