‘Liham ko sa aking sarili’

29 Apr

Note: Ito po ay isang liham na aming natanggap mula sa isang mambabasa ng Ang Bagong Filipino. Inaanyayahan po namin kayong ipadala sa amin ang inyong mga saloobin, hinaing o anumang kuwento na nais ninyong ibahagi sa ating mga kababayan.

Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan kapag nabasa mo ang liham kong ito. Sa ngayon ay nandito ako sa ibang bansa halos tatlong taon na ang nakakalipas, ilang libong milya man ang layo nito sa Pilipinas, ilang dagat man at bundok ang hadlang nito para sa aking pamilya ay patuloy kong pinaglalabanan dahil alam ko na ito rin ang dahilan para mabuhay ng medyo kakaiba kaysa sa buhay ng marami sa atin at higit sa buhay na kinagisnan ko. Hindi naman sa sinisisi ko ang mga magulang ko kasi naintindihan ko na hanggang doon lang ang kaya nilang ibigay dahil sa pagiging salat sa salapi noong mga henerasyon nila, sa halip nagpapasalamat ako ng taos sa puso dahil hindi nila ipinagkait ang pagkakataon na ako ay pag-aralin. At naniniwala ako na iyon ang naging instrumento kung bakit nandito ako ngayon. Siguro’y nararapat lang na ibalik ko ang lahat sa aking tatlong anak na ngayo’y umaasa sa isang maganda at kaaya-ayang buhay. Mga pangarap na gusto nilang maabot sa kanilang murang edad. Mga adhikain na isa sa mga dahilan ng aking paglayo at pakikipagsapalaran…SUBALIT…

Subalit  sa ngayon unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa, alam kong sa bawat lakbay ng buhay ay may kaakibat na balakid ngunit sa dagok na dumating sa buhay ko at kasalukuyan kong nilalabanan sa ngayon, para bang hindi ko na makakayanan pa, hindi ko alam kung sadyang matindi ang kinakaharap ko sa ngayon o dili kaya’y mahina na akong lumaban sa bawat suliranin,hindi ko na alam ang tunay na dahilan, basta ang alam ko parang nasa kumunoy ako na unti-unting hinihigop pa ilalim, walang sinuman ang makasasagip.

Halos isang buwan na akong walang trabaho dahil sa isang pangyayari na ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko, tahimik lang akong tao at nakikibagay sa takbo ng mundo pero tila pinagkaitan ako nito. Regular na ako sa trabaho ko dati pero dahil sa isang pangyayari ay nawala itong parang bula. Likas sa ating mga Pilipino ang pag-iingat sa sariling  reputasyon at dignidad, ito marahil ang dahilan kaya hindi ko napigilan ang sarili ko na patulan ang isang Italyanang kahera na pilit kinukutya ang aking pagkatao, naging dahilan upang mag-away kami na nagwakas sa pagkakatanggal ko sa trabaho at muntik pang makulong kung hindi lang iniurong ang demanda. Gayunman salamat pa rin at hindi ako pinabayaan ng Diyos sa pagsubok na iyon.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naghihilom ang sugat na dulot ng pangyayaring yon, paano kasi hindi ko alam kung ano mangyayari sa mga anak ko sa ngayon, sa aspetong pampinansiyal at emosyonal. Tanging lakas na lang ng loob at paniniwala sa Diyos ang puwedeng maging sandata ko sa ngayon.

Sana’y maliban sa aking sarili na makakabasa ng liham kong ito, sana’y maging aral sa bawat isa ang nararanasan ko sa ngayon. Maaaring may mga pagkakataon na kailangan nating lumaban at itayo ang ating pagkatao subalit minsan mas makakabuti pa rin na pigilan ang sarili lalo pa at alam natin na sa bandang huli hindi lang tayo ang magsasakripisyo kundi ang mga mahal natin sa buhay na nasa malayo na umaasa sa atin ng isang maganda at matibay na pamumuhay.

Hanggang dito na lang ang aking liham,sana’y makatulong ako sa pagliliwanag ng isip ng marami sa ating mga Pilipino na nagpapakahirap dito sa ibang bansa,nawa’y maging inspirasyon din ako ng nakararami nang sa ganun maabot na nila ang tagumpay sa loob lang ng maikling panahon.

Payong KAIBIGAN at KABABAYAN lang. Yan ang ugat nang aking mensahe. Sana ay marami ang makabasa nito kung sakaling mailathala…

Sinadya kong hindi magpakilala nang sa ganun ay hindi magkaron ng ibang kulay ang paglalahad kong ito ng aking buhay. Ito ay taos sa puso at sana’y kapulutan ng aral.

Natatanging hiling ko lamang sa maaabot ng aking liham, tulungan nyo akong magdasal para sa mabilis na paghahanap ng trabaho nang sa ganun magampanan kong muli bilang isang ama ang mapabuti ang kalagayan ng aking mga anak at lahat ng taong umaasa sa akin.

Maraming salamat at sana’y lumawig pa ang inyong misyon dito sa Espanya bilang instrumento sa pagsisilbi sa ating mga kababayan sa paraang gusto ninyo.

Gabayan nawa kayo ng Diyos sa araw araw.

ANONYMOUS GUY

2 Responses to “‘Liham ko sa aking sarili’”

  1. notjustadiary May 3, 2010 at 6:43 pm #

    Kabayan,
    Labis ko pong ikinalulungkot ang pagkawala ng trabaho ninyo at ipagdadasal na magkaroon agad ng panibago. Sana po matutunan nating lahat na mag karoon ng kontrol sa sarili at ingatan ang mga trabaho.
    Meron lang po akong masasabing positibo, tama na rin po na wag tayong pa aapak sa ibang tao, lalo na pag sumosobra. Kailangan nga lang na más matalino tayo at wag gagamitin ang tapang at galit kundi ang utak.
    Sigurado po ako na ang galing at sipag ng Pilipino ay alam sa lahat ng bansa at sigurado po akong magkakaroon kayo agad ng trabaho.

    • Daniel Infante Tuaño May 3, 2010 at 9:08 pm #

      Hola notjustadiary,
      Maraming salamat sa iyong komentaryo. Malungkot talaga ang nangyari sa kaniya. Nagawa nga niyang ipaglaban ang kaniyang pagkatao ngunit nawalan naman siya ng hanap-buhay. Ako rin mismo ay hindi ko hinahayaang apakan ng iba ang dignidad ko ngunit minsan ay aking pinipili ang aking mga laban, yung mga laban na ‘win-win situation’ na sa huli ay mananalo ako. Ngunit hindi ka parating makakapagsuri lalo na kung dignidad mo na ang tinatapakan. Walang nag-iisang solusyon. Nakasalalay sa indibidwal at sa sitwasyon kung paano haharapin ang isang suliranin. Ang tanging hiling natin ay mas magkaroon ng hustisya at respeto. Sumasang-ayon ako sa iyo na makakakuha siya ng trabaho sa lalong madaling panahon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: