Kidlat Tahimik

11 Mar

Si Kidlat Tahimik ay nakilala sa mahigit na 30 taon bilang aktor, manunulat, direktor ng pelikulang alternatibo sa Pilipinas, at kritiko ng tinatawag na ‘bagong kolonyalismo’ sa pamamagitan ng sine.

Isang ‘hampas na payapa’ dito sa baybaying kanluranin na nagmula sa kabundukan ng mga Ifugao, kabilang si Kidlat sa mga kinatawan ng Pilipinas sa larangan ng  kultura ng katatapos na Tribuna Espanya-Pilipinas.

Kami’y nagkaroon ng pagkakataong makausap ang kilalang direktor upang alamin ang kanyang mga palagay ukol sa pagtitipong ito at ukol sa Bagong Pilipino.

ADHIKAIN SA TULONG NG KAMERA

Nang siya’y aming tanungin ukol sa kanyang mga gawain at adhikain,  ikinuwento niya ang kanyang relasyon sa mga taga-Ifugao kung saan siya ngayo’y naninirahan. Kasalukuyan niyang tinuturuan ang mga taga-roon na gumamit ng video camera upang ito’y kanilang magamit sa pag-dokumento ng kanilang sariling kultura. Sa halip na siya ang kumuha ng video, ang mga mamamayan mismo ang hinahayaan niyang mag-dokumento ng kanilang kapaligiran at kapwa mamamayan.

Ayon kay Kidlat, ito’y isang paraan upang muling mabawi ang sinaunang proseso ng paghahatid ng kuwento sa pamamagitan ng salita (oral transmission process) na nasira ng pag-angat ng mass media. Ang kanyang ideya ay simple lamang–ang paggamit ng video bilang isang tulay para sa nasabing proseso o bilang isang instrumento upang maipagpatuloy ang dating kaugalian ng pagkukuwento.

“Isa rin itong paraan upang ma-neutralisa ang kanilang pagkahiya sa sariling kultura (ng mga Ifugao) na idinulot ng ‘benevolent assimilation’ na ginamit ng mga Amerikano noon sa mga katutubong Pilipino.”

PINOY SA BARCELONA

Nagkaroon ng pagkakataon si Kidlat na makihalubilo sa mga migranteng Pinoy sa Barcelona. Binisita niya ang Centro Filipino at nakipag-usap doon ukol sa kultura at pagka-Pilipino, nakipagdiwang siya sa pista ng karnabal sa baryo ng Raval, at nagpakita rin ng kaniyang mga nilikhang pelikula.

Isa rin sa mga natuklasan niya habang nasa Barcelona ay ang pagkatuwa ng karamihan ng mga Pilipino sa mga bentahang pangkalusugan na kanilang natatanggap dito. Hindi tulad sa Pilipinas, dito ay madali silang nakakapagkonsulta sa mga doktor at nakakabili ng gamot sa murang halaga.

ANG MIGRANTE  AT ANG KAPWA CULTURE

Bilang isang artista at isang taong nakapaglakbay na sa iba’t ibang bansa at higit sa lahat bilang isang Pilipino,  nais ni Kidlat na sana’y hindi makalimutan ng mga migranteng Pilipino ang likas nilang pagmamalasakit sa kanilang kapwa.  Ang tinatawag na Kapwa Culture, ayon kay Kidlat, ay isang napakahalagang bahagi ng mga katangiang Pilipino na hindi dapat pabayaang mawala.

Ang pagpapanatili at pagtataguyod ng ugaling ito ay nakasalalay  sa mga kamay ng mga magulang at nakatatanda. Dapat nilang ituro at ibahagi ang ugaling ito sa mga kabataang ipinanganak at lumalaki sa isang lipunang indibidwalista at makasarili. Kung atin lamang daw uunawain ang daloy ng ating kalooban at ang sarili nating kultura, maaari nating payamanin pa ito saan man tayo mapunta.  Isinulat ni Kay Abaño. Larawan hinango sa http://www.filmfestivalrotterdam.com at Coicoi Nacario.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: